Naisip ko lang……
Baligtad na ang takbo ng mundo. Dating kaaway, ngayon kaibigan. Dating kaibigan, ngayon kaaway. Saan na ang tama? Sila pumatay sa tatay mo, ngayon kasama mo na. Sila kasama mo sa paghanap ng pumatay sa tatay mo, ngayon kaaway mo na? Ano ka ba? Nakiramay ang pumatay sa tatay mo, tinanggap mo. Nakiramay ang kaibigan mo, inisnab mo! Ano ba kuya? Saan ka na Ate? Parang nasayang ang pinaglaban ko sa EDSA! Ganito lang pala ang kahihinatnan! Ngayon parang - " NINOY, NAG-IISA KA NA!"
Hindi iniiwanan ang kaibigan sa oras ng pangangailangan. Higit na dakila ang mag-alay ng buhay para sa kapwa…. Lalo ka pa ngang dapat maghintay at magbantay. Ang pagmamahal sa kapwa at sa bayan ay tungkulin ng bawat isa. Wala ninuman sa atin ang maaaring magsabing mas higit ang pagmamahal sa kapwa at bayan! Huwag maghintay ng kabayaran sa anumang kabutihang nagawa. Ang tumulong sa kapwa at sa bayan ay tungkulin ng bawat nilalang bilang kabayaran sa pagtuntong niya sa mundong ito. Kung Pangulo ka, hindi ka Panggulo. Huwag kang makisawsaw sa gulo ng iba- lalo na kung isa ka sa naging dahilan nito. Huwag kang maglaro ng apoy kung ikaw ay nasa bangkang papel o maghagis ng bato sa loob ng kulungang salamin.
Ang bawat katagang mamutawi sa iyong mga labi ang magsisilbing busal sa iyong bibig - kung walang mabuting bunga ang bawat kataga na iyong bigkasin, mas mabuti pang manatiling pipi sa gitna ng kadiliman.
Lumingon ka sa nakaraan. Huwag kang lumimot. Hindi kaya ikaw rin ang dahilan ng iyong kabiguan? Ang kasaysayan ay siyang pinakamahusay na guro. Mauulit lang ng mauulit ang mga pangyayari hangga’t hindi mo natututuhan ang dapat mong matutunan. Sapagkat ang bulag ay hindi maaaring magakay ng kapwa bulag! Manatiling dilat ang diwa at isipan…Tama rin naman ang sinabi ng isang bayani - hindi lahat ay natutulog sa panahon ng ating mga ninuno! Hindi natutulog ang Diyos!
“ NINOY…..’DI KA NAG-IISA. “